Search This Blog

Showing posts with label edukasyon. Show all posts
Showing posts with label edukasyon. Show all posts

Tuesday, August 17, 2010

Ala-alang Nagbabalik - Part II

Hindi komalilimutan ang mga naging karanasan ko noong ako ay nasa Elementarya. Malungkot man o masaya, tahimik man o magulo. 

Masayang balikan ang mga ala-alang naging bahagi ng na iyong buhay. Sinong mag aakalang sa aking sitwasyon ay nakakapaglaro ako ng patintero, taguan, baril-barilan, habulan at kung anu-ano pang larong pambata ng aking kapanahunan. 

Malungkot din naman ang buhay ko sapagkat may mga bagay na hindi ko rin naman kayang gawin. may mga pagkakataon din naman hindi ka isinasali ng mga batang kasing-idad mo kasi sa kalagayan mo At sa mga ganoong pagkakataon ay nagtitiyaga na lamang akong manood sa kanila. May pagkakataong hinahanap ko ang mga oras at minutong libre ang mga kapatid ko upang sa kanila na lamang ako makipaglaro.

Sa ating mundong ginagalawan, hindi natin hawak ang pag-iisip ng ating kapwa. Hindi natin sila pwedeng diktahan sa kung ano ang gusto at ayaw nila. May mga pagkakataong may mga batang pilyo na walang magawa kundi ang mangutya sa kapwa. Naranasan ko ang batuhin, pagtawanan ng kapwa bata. May mga mga pagkakataong naiisip ko, kanino o sino ba ang problema Ako ba'y nakakatawa, nakakainis ba ang ganitong kalagayan. O di kaya naman ay dahil sa maling pag-aaruga ng magulang kung kaya't may mga batang ang tubo ng ugali ay mahirap maunawaan.Tanggap ko ang mga ganong sitwasyon. Hindi ako nag-isip kung papano ako makakaganti sa kanila. Ni hindi ko iniisip na magdamdam. Batid kong ang lahat ay pawang parte ng aking buhay.

Sa aking kalagayan, hindi naging madali ang mga araw na lumilipas.Papano na lamang kung naiihi ako, papano ako pupunta sa aming toilet, o kung matae kaya sa oras ng klase. Sa mga ganyang pagkakataon, wala akong choice kundi ang pigilin ang sarili sa pag-ihi o maging pagtae. Sa maniwala kayo't sa hindi nagawa ko ang mga iyon. 

Taong 1990, nasa ikalawang baitang ako noon ng magkaroon ng napakalakas na lindol na naging sanhi ng paglubog ng HYAT Hotel sa baguio. Nakakatakot ang karanasang iyon. Umaga, habang nagka klase ng maramdaman ng lahat ang paggalaw ng lupa. Patakbong iniutos ng aming guro ang tumakbo sa labas ng building kung saan malayo sa mataas na gusali. ilang sandali pa ay natagpuan ko ang aking sarili na mag-isa sa aking upuan. Pinagmamasdan ko ang dingding sa apat na sulok ng aming kwarto, nakita kong nagbagsakan ang mga libro ng aking guro na nakapatong sa kanyang upuan, ang paggalaw ng mga upuan at ang unti-unting pagkakaroon ng guhit ng dingding na naghihiwalay sa isang bakanteng kwarto. bilang bata na walang muwang sa tinatawag na safety ay hindi ko naisipang yumuko o magtago man lang sa ilalim ng mga upuan. ang tanging nasa isip ko ng mga panahong iyon ay maupo at pagmasdan ang nagaganap. Ilang sandali pa at nakita kong pumasok sa loob ng kwarto ang isa kong kamag-aral. Matangkad at malaking tao ito na para bang nasa kolehiyo na kung iyong mapapansin, pagpasok nya ay binuhat nya ako at inilabas sa loob ng kwarto. Buhat buhat nya ako hanggang sa matapos ang lindol at ibinalik sa loob ng kwarto. 
 

Friday, August 13, 2010

Graduation

Limang Taon.

Matagal na panahon narin ang lumipas mula ng magtapos ako sa kolehiyo sa kursong Bachelor in Applied Statistics. Sa loob ng apat nataong pananatili ko sa loob ng apat na sulok ng paaralan ay wala akong ginawa kundi ang mag-aral...Mag-aral..at mag-aral.

Halos apat na taon akong nagtiis na wala akong ginawa kundi ang pumasok sa paaralan at umuwi ng bahay. Ibinuhos ko ang buong panahon ko sa ganong sitwasyon. Nakalimutan ko ang social aspect ng pagiging isang malayang indibidwal. Madalas ang yaya sa akin ng aking mga kamag-aral na gumimik man lang daw kasama sila, subalit ng mga panahon iyon ay wala akong lakas ng loob na paunlakan ang anumang inbitasyon, sapagkat para sa akin mahalaga ang pag-aaral at kakapusin ako sa oras ng pag rereview. Nakakahiya naman sa klase kung tawagin ako at walang maisagot.

Huling semester ng muli ay may lakad ang mga barkada, mga kaklase. Sapagkat tapos na halos ang mga schedule sa midterms and kung ano pang exams ay nasipan kong magpaunlak.

hindi ko maipaliwanag ang sayang naramdaman ko kasama ang mga kaklase ko. Lahat sila ay pawang tuwang-tuwa rin na ako ay kanilang kasama. May umiintidi kung gusto ko na bang kumain habang sila ay nagkakatuwaan sa paliligo. May mga nagtatanong kumusta daw ang pakiramdam ko sa pagsama sa kanila. Wala akong maisagot kung isang ngiti. Isang ngiti na may kaunting pagsisisi na kung alam ko lang na ganun pala kasaya ang kasama mo ang mga kaibigan mo ay sana nuon pa ako naki-join sa kanilang mga lakad.

Dumating ang araw ng pagtatapos sa kolehiyo, ang lahat ay masaya at pawang excited. Lahat ay all eyes and ears sa taong tagapag-salita. Naghihintay ng basbas upang ipagsabing kami ay graduate na.

Nag-umpisa na ang tagapagsalita. Kalaunan ay tinatawag na ang mga pangalan ng mga magtatapos. Magkahalong kaba at saya ang nararamdaman ko ng mga sandaling iyon. Kaba sapagkat iniisip ko kung papano ako makaka-akyat sa entablado. Baka ako pa ang pagmulan ng abala o delay sa pag-akyat ng mga kapawa magsisipagtapos. Nakakahiya. Dumating sa punto na ang mga nasa aming kurso na ang tinatawag. Bago pa man dumating sa punto na apelyido ko na ang tatawagin ay nilapitan na ako ng ibang mga dekana na mauna ng umakyat sa entablado at maupo na muna sa likod ng nito. Hintayin ko na lang daw ang pangalan ko at tatayo nalang ako sa gitna. 
Dumating ang pinaka-aabangan ko. Sa Wakas, ito na ang pagkakataong maipakita ko sa kapwa ko magsisipagtapos na ang katulad ko ay may maipagmamalaki din naman. Sa Wakas maipakikita ko sa aking mga magulang at lahat ng mga magulang na lumahok na tinatanggap ang diploma ng aking pagsisikap. Isang papel na magpapatunay na hindi nagsayang ang aking magulang upang ako mapag-aral.

Tinawag ang pangalan ko. lahat ay tumahimik ng walang dahilan. Nawala pansumandali ang bulungan ng mga magkakatabi. Marahil, ito ay dahil sa nakikita nila sa harapan-isang pilay. Mula sa aking likuran ay nakapila na rin ang iba pang tinawag. 

Kinuha ko ang diploma sa aming dekana. Nakatalikod at ngiti ang tanging naibigay ko. Pagkatapos noon ay nagulat ako sapagkat ang mga kapwa ko magsisipagtapos, mga magulang, mga guro at professor, at lahat ng empleyado sa Paaralang aking pinagtapusan ay nagsitayuan at nagsipalakpakan. Pagbaba ko ng entablado ay sinalubong ako ng mga dekana upang i-congratulate ako at kamayan.

Masaya. walang pagsidlan ang kaligayahang aking naramdaman ng ako ay magtapos